Sunday, April 18, 2010

Gising Na, Batugan!

PAGBABAGONG-KLIMA: Hindi na bago.
___________________________________________________________

Bago mag-umpisa ang Mahal na Araw, ipinalabas muli sa ABS-CBN ang Harapan: Vice Presidential Debate. Hindi ko pinalampas ang pagkakataong ito upang marinig ang mga diwa at saloobin ng mga kandidato sa pagkapangalawang-pangulo ukol sa mga isyu ng bansa at mga tanong ng bayan. Sa debateng ito, binigyan din ng pagkakataon ang mga kandidato na magtanungan at magsagutan. Dito nagkataong magkatapat sina Mar Roxas at Loren Legarda. Itinanong ni Roxas kay Legarda kung bakit ang pagpapahalaga at pag-aalaga sa kalikasan ang nasa sentro ng kanyang plataporma. At ito ang tugon ni Legarda: Ang isyu ng environment at climate change ay hindi lamang sa Plipinas kundi sa lahat ng mahirap na bansa sa buong mundo at iyan ay nakakabit sa sikmura at sa bituka. Mahusay na sagot sa mahusay na tanong!

Sang-ayon ako sa sagot ni Loren Legarda sa pagkakataong ito. Ngunit, ang pagsang-ayong ito ay hindi nangangahulugang sa kanya na mapupunta ang aking boto. Hanggang ngayon, hindi pa rin tapos ang aking pagninilay at pagkikilatis sa mga politikong ito. Hangga't may panahon pa, mas kikilalanin ko muna sila. Tiyak naman na may ilan, kung hindi man lahat, sa mga kandidatong ito ang may alam at pakialam sa isyu ng kalikasan.

At dapat lang na bigyan pa nila ito ng karagdagang diin upang matanto rin ng taumbayan ang kahalagahan nito lalo na dahil ang mga maralita ang pinakaapektado ng isyung ito. Sunud-sunod na nga ang pagpaparamdam ng kalikasan sa atin: malulupit na bagyo, malalakas na lindol, at iba pang mga sakuna. Kinailangan pa nga ng Pilipinas ang tulong galing sa ibang bansa nang humagupit si Ondoy. Malala rin ang naging kalagayan ng Haiti pagkatapos ng tinaguriang super lindol na yumanig dito. Ngayon, labis na pasakit at perhuwisyo na ang naidudulot ng El NiƱo. Sa mga pangyayaring ito, maraming taoang nagbayad, maraming tahanan ang nawasak, maraming buhay ang napinsala. Sa maikling salita, marami ang nasira. At ang pinakanaapektuhan nito ay ang mga maralitang mamamayan. 'Ika nga ni Legarda: "Ang mga pinaka-apektado ng climate change ay ang mga mahihirap. Sino ba ang nawawalan ng ani tuwing tagtuyot? Sino ang nasasalanta ng mas madalas at mas makapaminsalang bagyo? Sino ang tinatamaan ng malaria, dengue at iba pang mga sakit na dulot ng climate change?”

Ang mga kaganapang ito ay sobra-sobra na upang ipakita ang kahalagahan at epekto ng pagbabagong-klima - pagbabagong alam na ng mga tao ngunit nagkikibit-balikat lang at patuloy pa rin sa kanilang gawi at mga gawaing makasarili. Sana magising na tayo. Tanghali na!


-->
References:
http://www.senate.gov.ph/press_release/2010/0322_roxas3.asp
http://lorenlegarda.com.ph/news_313_Farmers_party_list_groups_defend_Legarda.php

-->